Sari-saring kwento mula sa iba't-ibang tao. Ang daming version, ang daming opinyon. Hinahanap kung sino ba dapat ang sisihin. Humihingi ng hustisya. Naghahanap ng katarungan. Nagagalit sa mga pabaya at nagkulang. Nalulungkot para sa naiwan ng bawat biktima.
Sa loob ng halos 5 taon na pamamalagi ko sa Bulacan State University Malolos, hindi ko pa nakita ang unibersidad na ito na dumaan sa ganitong pagsubok. Hindi talaga biro ang issue na to. May mga namatay, may mga naiwan, may mga nagagalit, may mga tumatawa. Lahat apektado. Lahat ito ang usapan. May kanya-kanyang reaksyon.
Kaya naman naisipan kong gumawa ng blog post sa malungkot na pangyayaring ito. Hindi para makialam, hindi para magpasikat, hindi para hingin ang pag-sang-ayon ninyo, hindi para manisi, hindi para magmagaling, kundi PARA IPAABOT ANG AKING MENSAHE sa bawat isa sa inyo.
Alam kong maraming reaksyon ang makukuha ko mula sa inyo. Pero ano man yan, pangit o maganda, nakakasakit o nakakapagbigay ng tuwa, hindi mahalaga sa akin yan. Dahil sa oras na ito gusto ko lang iparating ang nasa aking isipan.
MENSAHE PARA SA AKING ALMA MATER (BULACAN STATE UNIVERSITY MALOLOS)
Una sa lahat nais kong magpasalamat sa iyong pagkupkop sa akin sa loob ng 4 na taon. Marami akong ala-ala habang nasa mga pagkalinga mo. May mga masaya at mayron din namang malungkot. Minsan din tulad ng iba ay nagreklamo ako sa haba ng pila para lang makapag-enroll. Naranasan kong hindi kumain ng tanghalian para lang matapos ang proseso ng enrollment. Tulad din ng iba nagreklamo ako at naasar sa "bulok" na sistema na sinasabi ng karamihan. Naalala ko din na lumusong ako sa baha sa Roxas Hall habang kasagsagan ng malakas na ulan sa kagustuhang hindi mahuli sa aking klase. Naramdaman ko din ang hirap ng aking mga magulang sa mga bayarin na kung tutuusin ay hindi naman dapat.
Pero sa kabila ng lahat ng ito, may mga bagay akong natutunan mula sayo. MAGMAHAL NG WALANG KONDISYON. MAGMAHAL SA KABILA NG PANGIT NA NAKIKITA NG MATA. Masasabi kong hindi ka perpekto, maraming pangit sayo, at may mga bagay na dapat pang i-ayos lalo na sa sistema mo. Pero kahit ano pa man ang mga pagkukulang at kapintasan mo, MAHAL PA DIN KITA BULSU. Utang ko sayo ang aking edukasyon. Alam kong may mga bagay na hindi ka naituro sa akin, pero ano man ang hawak ko ngayon mula sayo ay gagamitin ko sa totoong mundo.
Marami man ang bumabatikos sayo, buong puso pa rin kitang susuportahan dahil alam kong hindi mo hangaring mawala ang mga anak mo. Hindi mo ikasasaya ang pagpanaw ng mga estudyanteng inaalagaan mo. Naniniwala pa din ako sayo BulSU. Marami ka pa ring pangarap na isasakatuparan at mga talentong lilinangin sa bawat henerasyon. Malalampasan mo ang pagsubok na ito at ipapanalangin ko ang pagsulong ng mga adhikain mo.
MENSAHE PARA SA PAMILYA NG BIKTIMA
Para po sa pamilya ng mga biktima (Madel Navaro, Jeanette Rivera, Maiko Bartolome, Sean Rodney Alejo, Mikhail Alcantara, Michelle Ann Bonzo, Helena Marcelo, #RIP).
Alam ko pong wala ako sa katayuan para magbigay ng mensahe dahil unang-una hindi nyo po ako kilala at ganoon din po ako sa inyo. Wala po akong karapatan na sabihan kayo ng kung ano ang dapat at hindi dapat dahil hindi ko alam kung gaano ang sakit na nasa puso nyo sa panahong ito. Ngunit kahit ganoon po gusto ko lang pong sabihin na pati po ako ay nalulungkot sa nangyari.
Alam ko pong masakit mawalan ng mahal sa buhay. Nang makita ko po ang larawan ng mga biktima may panghihinayang po akong naramdaman. Naisip ko na maraming pangarap pa ang dapat naabot sana nila. Pero kahit ano'ng sakit ang dulot nito sa ating damdamin, dapat nating harapin ang realidad. Tanggapin ang katotohanang wala na sila.
Ang buhay natin ay pahiram lamang ng Diyos at Siya lang din ang nakakaalam kung kailan ito babawiin sa atin, sa iba't-ibang kaparaanan. Ang malungkot sa nangyari, ito ay biglaan at hindi tayo handa.
Normal din po na humingi kayo ng hustisya at katarungan. Naiintindihan ko pong nais nyong may managot sa nangyari at malaman kung sino ang may kasalanan. Pero nais ko din pong sabihin sa inyo na maraming pangarap ang masisira kung patuloy na maaapektuhan ng mga nangyayari ang reputasyon ng BulSU.
Huwag naman po sana nating hayaan na ang naudlot na pangarap ng 7 biktima ang pumigil naman sa pangarap ng libo-libong mag-aaral ng unibersidad.
Masakit ang mawalan ng mahal sa buhay. Nakakadurog ng puso. Pero naniniwala ako na mayroon pa ding puwang ang pagpapatawad diyan sa puso nyo. Naniniwala din po ako na kung nasaan man po ang 7, hangad din nila ang katarungan, pero hindi nila gustong magdusa sa lahat ng ito ang unibersidad nila.
Hindi ko po hinahangad na maapektuhan ng liham na ito ang mga hakbangin na gagawin nyo laban sa BulSU, ang gusto ko lang pong iparating sa bawat isa, lalo na sa inyo na nawalan ng mahal sa buhay; MAIKLI LANG ANG BUHAY. Hindi mo man isipin ang KAMATAYAN, isa lang ang sigurado, darating ito sa iyo, sa akin, at kahit kanino, kaya iukol natin ng maayos at matalino ang bawat oras at araw na mayroon tayo sa mundong ito.
Muli po ay nakikiramay ako sa inyo ng buong puso at hangad ko po ang katarungan para sa mahal niyong biktima sa trahedyang ito. Ipagdarasal ko po ang patuloy na paggaling ng sugat sa puso ng bawat isa. Ipagdarasal ko din po ang 7 biktima.
Pagpalain po tayo ng ating Panginoong Jesus.
MENSAHE PARA SA MGA ESTUDYANTE NG BULSU
Nakakatuwa dahil iba't-ibang opinyon ang nababasa ko sa facebook group natin. Sari-saring saloobin. May mga nagagalit sa BulSU, mayron din namang nagpapakita ng kanilang pagsuporta at pagmamahal. Yung iba halatang hindi pinag-iisipan ang komento, mayron din namang mula sa malikot na imahinasyon. Patunay lang ito na apektado ka ng nangyayari sa paligid mo at higit sa lahat sa unibersidad na kinabibilangan mo.
Oo sikat na nga ang BulSU. Napapanuod mo siguro sa lahat ng istasyon ng telebisyon. Marahil nahihiya ka dahil ang kasikatan ng mahal mong paaralan ay dulot ng masama at negatibong balita. Siguro yung iba naiisip nang lumipat ng school. Yung iba naman walang pakialam. Pero mayroon grabe ang emosyon, daig pa ang kapamilya ng biktima kung magalit.
Isa lang ang gusto kong isaisip mo kapwa ko BulSUan. KAILANGAN KA NG UNIBERSIDAD MO. Sino ba ang magtatanggol sa kanya? Taga-ibang school ba? Taga-media ba? Sa tingin ko hindi. Ang magtatanggol sa kanya ay walang iba kundi ikaw na bumabasa nito ngayon. Ikaw na may puso at malasakit para sa unibersidad na pinili mong pamalagian ng 4 o higit pang mga taon. Ipakita mo ang pag-ibig sa kanya! Ipakita mo ang iyong suporta! Ipaglaban mo siya! Pero iba ang suporta sa pakikialam. Iba ang pagmamahal kaysa pag-epal.
Paano mo maipapakita ang iyong suporta at pag-ibig sa BulSU? Simple lang. Sa halip na magkomento ka ng kung ano-anong bagay na hindi naman nakakatulong, i-ukol mo na lang ang iyong panahon sa pagdarasal para sa ika-re-resolba ng problema. Kung walang magandang mapupulot sa komento mo lalo na sa facebook, mas maganda kung tatahimik ka na lang. Ayon nga ng kasabihan, "Less talk, less mistake."
Hindi ko pinagbabawalan ang karapatan mong ipahayag ang iyong saloobin. Hindi ko nais na pigilan ang mga nais mong sabihin. Ang nais ko lang maisip mo ay dahan-dahan sa pag-apak sa unibersidad na tinutungtungan mo. Dahan-dahan sa pagsira sa paaralang pinaglalagakan mo ng utang na loob. Hinay-hinay sa pagsira sa institusyong ang nais lamang ay bigyan ka ng edukasyong magagamit mo sa iyong kinabukasan.
Edukasyon ang susi upang lumaya mula sa kamang-mangan. Kaya tayo nag-aaral ay upang magkaroon ng talino at kaalaman. Ipakita nating edukado tayo sa pamamagitan ng pananahimik at paghinto sa pagkakalat ng balitang ikakasira ng tahanang pumapanday sa ating isipan at kaalaman (BulSU). Ayon din sa isang kasabihan, "Ang ilog na maingay, ay yung ilog na mababaw." Ipakita nating hindi tayo mababaw. Patunayan nating hindi sayang ang baon na ibinibigay sa atin ng ating magulang para lang makapag-aral.
Inuulit ko, BulSUan, kailangan ka ng ating unibersidad!
MENSAHE PARA KAY HIRO MALLARI
Pasensya na kung pati ikaw ay mayroong mensahe mula sa akin. Alam kong hindi mo ako kilala at tulad ng nasabi ko kanina wala akong karapatang panghimasukan ang saloobin mo ngayon. Pero kahit ganoon, gusto kong sabihin sayo na nakikiaramay ako sa pagkawala ng mahal mong si Mich Bonzo. Minsan talaga mayroong pagkakataon sa buhay nating kailangan maghiwalay para may matutunan.
Hindi ko alam kung ikinatutuwa mo ang popularidad na nakukuha mo ngayon mula sa netizens at media, pati na din sa kapwa BulSUan natin, pero isa lang ang gusto kong iparating sayo. MAGPAKA-LALAKI KA. Kung ako ang tatanungin mo, hindi siguro matutuwa si Mich na ganyan ka. Mahihirapan siya lalo kung hindi mo siya papakawalan diyan sa puso mo. Nababasa ko ang mga status mo sa facebook, at hindi ako sang-ayon sa pagpost mo nang mga bagay tungkol sa inyo ni Mich. Ang punto ko lang dito: Huwag naman sana magamit ang pagkamatay ni Mich para sa ikasisikat mo. Huwag mong gamitin si Mich para sumikat. Marami akong kakilala na nawalan ng mahal sa buhay pero hindi nila ginamit ang social media para ilabas ang kanilang sama ng loob at lungkot. Hindi kita pinakikialaman pare, hindi ko din alam ang intensyon mo sa mga status mo, pero sana mali ako na gusto mo lang ng madaming likers/followers. Sana nga mali ako.
Nakita ko din sinabi mo na binago ka ni Mich, patunayan mo sa kanya. Mag-aral ka ng mabuti. Pilitin mong manguna sa klase. Humanap ka ng magandang trabaho. Gawin mo siyang inspirasyon. Mas mapapakita mo sa kanya sa pamamagitan ng mga ginagawa mo kung gaano mo siya kamahal kaysa sa mga sinasabi mo at nang facebook account mo.
Hindi ako basher ah. Pero 6 or 7 months ay hindi pa naman gaano katagal. Nalulungkot ka siguro dahil nagsisimula pa lang kayo at natapos nang ganon-ganon lang. Pero sa oras na maka-move on ka, makakahanap ka ng ibang babae na magpapasaya sayo. At sa oras na masaya ka na, alam kong magiging masaya din si Mich para sayo. Huwag kang magsasalita ng tapos. Huwag kang magsasabi ng mga bagay na hindi mo kayang panindigan tulad nang hindi mo kayang mabuhay nang wala siya, o hindi mo alam paano magsimula. Bata ka pa at marami ka pang karanasan na masasalubong sa paglakad mo sa mundong ito. Magpakatatag ka. Huwag mong ikulong ang sarili mo sa lungkot at pangungulila.
Hindi ko sinasabing balewalain mo ang 6 o 7 buwang pinagsamahan niyo ni Mich dahil alam kong makahulugan ito para sa inyong dalawa. Normal lang na malungkot ka at magdalamhati. Pero sa lahat ng nagyari at mangyayari pa, maging responsable ka sa mga sasabihin at gagawin mo lalo sa sitwasyong ito. Oo nga at natapos ang panahon ni Mich. Naubos na ang kanyang pagkakataong mabuhay. Pero hindi pa katapusan ng lahat sa buhay mo. May dahilan pa din para magpatuloy ka. Mahal mo si Mich at kailangan mo siya, pero may mga taong nagmamahal din sayo at kailangan ka din nila. Ang pamilya mo, ka-klase, mga kaibigan at barkada.
Huwag mong ilagay lahat ng bigat diyan sa dibdib mo dahil hindi lang ikaw ang nawalan. May mga magulang na nagpaka-pagod at naghirap para itaguyod ang kapakanan ng anak nilang hindi nila inaasahang mawawala sa isang iglap. May mga kaibigang nangungulila dahil kahit kailan hindi na nila maririnig ang masasayang tawa mula sa kanilang kaibigang hindi sila gustong iwanan. Lahat sila durog ang puso sa mga panahong ito tulad mo.
Hindi lang sa iyo sumisikat ang araw, pati sa kanila, at pare-pareho kayong nalulungkot sa kadilimang unti-unting bumabalot sa kapaligiran dulot ng paglubog nito. Pero isa lang ang sigurado, bukas sisikat muli ang araw dala ang liwanag niya para sayo, sa kanila, at sa ating lahat.
Umiyak ka hanggang gusto mo. Pero sa oras na napawi na ang mga luha mo, huwag mong kalimutang tumayo at bumangon ulit sa pagkakadapa. Huwag mong pigilan ang pag-ikot nang mundo dahil tuloy-tuloy lang ang ikot nito. Tuloy-tuloy lang ang buhay.
Muli nakikiramay ako sa pagkawala ni Mich. God bless you.
(Credits to the owner of the photos)